Pag-iibigan sa Paaralan: Dapat nga bang Ipagbawal?
"True love waits."
Teenage pregancy o maagang pagbubuntis ay isang sanhi ng abortion o pagpapalaglag. Kalimitang nagsisimula ang pagkakaroon ng crush o paghanga sa edad dose pataas na natutuloy sa puppy love na tinatawag.
Mapusok, marupok at matigas ang ulo ng karamihan sa mga kabataan ngayon. Ang paghanga o crush ay minsan napagkakamalang true love. Na sa murang edad ay nabubuntis ng wala sa oras at nauuwi din sa maagang hiwalayan.
Dapat nga bang gawing regulasyon at ipatupad ng bawat paaralan ang true love can wait policy? Makatarungan ba ang polisiyang ito o kung ito ba ay nagtatali sa karapatan ng bawat estudyante?
Isang paaralan sa Cagayan de Oro City ay nagbabawal ng pagkakaroon ng relasyon ng mga estudyanteng nag-aaral dito. Ito ay isang paraan di-umano ng eskwelahan upang mapigilan ang pagbubuntis ng kabataang babae. Dpat nga bang pigilan ang namumuong pagtitinginan sa pagitan ng kanilang mga estudyante?
Ayon sa Golden Heritage Polytechnic College (GHPC), ang paaralang nagpatupad ng "true love waits policy", ang mga mag-aaral ay mahigpit na babantayan at pagbabawalang magkaroon ng namumuong romansa sa pagitan ng mga ito hangga't sila ay naka-enroll sa naturang eskwelahan.
Anim na estudyante na ang natanggal sa nasabing paaralan dahil sa kanilang paglabag sa polisiyang ito. Ito ay ang kaukulang parusa ng hindi nila pagsunod sa awtoridad. Makatarungan nga ba ang palatuntuning ito para sa kabataan o mas mabti kung atin na lamang silang gabayan at turuan kung ano ang tama o mali at ang kanilang limitasyon pagdating sa pagmamahal?
Batay sa pahayag ng presidente ng kanilang paaralan na si Capt. Tito Dichosa, nais niya lamang ay makapagbigay ng mabuting edukasyon at makamtan ang ambisyon ng bawat mag-aaral ng kanilang eskwelahan. Dagdag pa nito, ayaw niyang nakakakita ng estudyanteng babae na buntis at kinakailangang tumigil sa pag-aaral.
Ayon kay Sam Mercado, isang guro ng GHPC, angkop ang pagpapatupad ng "true love waits policy" sa kanilang paaralan dahil isinasaalang-alang nito ang kabutihan ng bawat kabataan na ang hangad ay makapagtapos ng pag-aaral.
Suportado rin ito ng estudyante na si Edminda Soriano ng naturang paaralan. Ibinahagi niyang mabuti ang mahigpit na pagpapatupad ng polisiyang ito para sa kanilang kapakanan at mas makakapagpokus pa sila sa pag-aaral.
Sa kabilang banda, hindi sang-ayon ang ilang estudyante dito tulad ni Hannah Narabal na isang mag-aaral. Hindi raw umano nararapat na ipatupad ang "true love waits policy" kung gagawin lamang nila itong inspirasyon sa kanilang pag-aaral, datapwat, bigyan na lamang sila ng angkop na paggabay at sila'y pagkatiwalaan.
Ayon naman kay Lyn Niño, isang magulang, mas mabuting bigyan ng kalayaan ang kabataan sapagkat maaaring habang lalo silang binabawalan, mas lalo silang nauudyok na gawin ang bagay na ito.
Dagdag pa nito, wala namang mangyayaring masama kung magmamahal ang kabataan hangga't alam nila ang kanilang limitasyon at kung ano ang tama o mali.
Sa panahon ngayon, ibang-iba na ang kabataan. Kilalang mapupusok at agresibo kaya't hangga't kayang gawan ng paraan upang mapigilan ang maaaring masamang mangyari na dulot umano ng impluwensiya ng iba't ibang klase ng media, hahanap at hahanap sila ng pamamaraan para ito'y mahadlangan. Kaya lamang ito ginagawa ng mga awtoridad ay para sa ating kabataan, upang tayo ay magkaroon ng magandang kinabukasan at matagumpay na hinaharap.
Tama nga ba na ipatupad ang "true love waits policy" sa paaralan? Angkop ba ang pagpapasya na ginawa ng presidente ng eskwelahan? Samut saring reaksyon, komento at opinyon ang nakakabit sa usaping ito. Kasama na ang pagtitimbang ng positibo at ng negatibo sa punto ng argumento sa isyung ito.
Kung ang layunin nito ay ang ikabubuti ng bawat kabataan ay dapat itong sang ayunan ngunit marapat din ang masusing pagtitimbang.