Perlas Pilipinas, kampeon sa SEABA 2016
Naibulsa ng Perlas Pilipinas ang kampeonato kontra Malaysia sa ginanap na championship game sa 2016 Southeast Asia Basketball Association (SEABA) nang magpaulan ang mga ito ng mga nagbabagang 3 point shots at umaapoy na jumpers at maangkin ang panalo, 77-73, na ginanap sa Bukit Serindit Indoor Stadium, Malacca, Malaysia, Setyembre 24.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nasungkit ng Pilipinas ang gintong medalya sa nasabing kompetisyon.
Dumikit ang Malaysia sa huling 40 segundo ng laro nang magpaulan ang mga ito ng mga naglalagablab na 3 point shots at mga malakidlat na placing shots sa pangunguna ni Fook Yee Yap na kumamada ng 23 puntos at maibaba sa apat ang lamang ng Pilipinas, 77-73, ngunit hindi nagpatinag ang Perlas nang maagaw nila ang bola sa Malaysia at maisleyo ang kampeonato, 77-73.
Umarangkada ang Perlas kontra Malaysia sa ikatlong quarter ng laban nang magpakawala ng mga nagbabagang pagbuslo ang koponan ng Pilipinas sa pangunguna nina Allana Lim at Afril Bernardino na kumamada ng pinagsamang 16 at 14 na puntos at lamangan ng 20 puntos ang Malaysia, 69-49.
“I’m so happy not just for myself but for the girls, the country and for Philippine women’s basketball,” ani Patrick Aquino, head coach ng Perlas.