Lahat ay Kaya
Sa paglawak ng larangan ng isports sa mundo, marami na ang unti-unting nakikilala ng masa. May mga nalalamang mga uri ng isports na dati’y hindi alam at ngayo’y kinagigiliwan na. Sa kabila ng paglawak nito, hindi pa rin naiwawaksi na ang ibang mga atletang Pilipino ay nakukulangan ng kumpyansa sa sarili.
Marami nang pagkakataong nakaranas ng pagkatalo ang ating lahi sa iba’t ibang kumpetisyon sa larangan ng isports kalaban ang lahat ng mga bansa sa buong mundo. Ngunit hindi tayo nagpapahuli. Nariyan si Manny “Pacman” Pacquaio na isa sa mga nag-angat ng ating dugong Pinoy sa isports sa buong mundo. Ang Gilas Pilipinas na winakasan ang bangungot ng bansa sa kamay ng South Korea sa Federation of Basketball Association - ASIA (FIBA ASIA) noong taong 2013. At ang pagkapanalo ni Hidilyn Diaz ng silver medal sa katatapos lamang na Rio Olympics. Ilan lamang sila sa mga Pinoy na taas noong ipinaglaban ang ating lahi laban sa ibang mga bansa.
Ang pagkakaroon ng isyu sa ating bansa tulad ng kakulangan sa pondo na siyang madalas na problema ng ating mga atleta, walang pasilidad na kailangang gamitin ay hindi kailanman naging hadlang sa atin. Maaaring ang mga atleta ay nahihirapan dahil sa kakulangang suporta ng gobyerno ngunit ito ang mga nagsisilbing rason upang mas pagibayuin pa ang kanilang mga pagsasanay upang sila’y makapag-uwi ng karangalan sa bansa.
“Hindi papatalo.” Ito ang katagang laging nakatatak sa isip ng bawat Pinoy. Unti-unting tatakpan at tutunawin ang kahinaan ng loob dahil hangga’t may lakas ay lalaban. Hangga’t may oportunidad ay agad itong tatanggapin upang makapag-uwi ng karangalan sa bansa. Dahil ang mga Pinoy ay hindi magpapatalo. Dahil para sa mga Pinoy, lahat ay kaya.